Ang mga dayuhang manggagawa ay naging isang napakahalagang bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng ating lungsod. Inaayos at binabago nila ang ating mga ospital, iniaabot sa atin ang ating mga sukli sa tindahan at dinadalhan tayo ng kape. Ngunit marahil ang kanilang pinaka-nakikitang presensya ay ang mga naghahatid (delivery courier) kasama ang kanilang berde, dilaw at asul na mga bag, naghahatid ng pagkain, mga pangangailangan sa bahay o kahit na labahan.
Sa nakalipas na sampung taon ay wala pa tayong makikita na mga makukulay na bag na naghahatid sa mga lansangan ng ating lungsod. Ang mga digital na plataporma ay pumasok sa Croatian market noong 2018, na nangangako ng madaling pera at fleksibol na oras ng pagtatrabaho. Ang mga manggagawa - na tinutukoy ng mga plataporma bilang "mga kasosyo" - ay pinangakuan ng awtonomiya at kalayaan na magtrabaho hangga't gusto nila, kung kailan nila gusto. Noong panahong iyon, natupad ang kalayaang pumili ng oras na magtrabaho; isang "pangarap" para sa karamihan ng mga manggagawang Croatian.
Noong unang pumasok sa merkado ang mga digital na platapormang ito, nag-aalok sila ng mas magandang kondisyon (mas mataas na suweldo, mga bonus) upang makakuha at maakit ang parehong mga manggagawa at mga mamimili. Ngunit sa kabila ng magagandang pangako, mabilis na natuklasan ng mga manggagawa ang mga problema sa trabaho sa plataporma: hindi idinedeklara ang overtaym na trabaho na lampas sa mga oras na kanilang kontrata, kawalan ng proteksyon, pagtanggi sa mga karapatan ng mga manggagawa, at ang paglipat ng mga responsibilidad (tulad ng insurans sa sasakyan) sa manggagawa. Ang mitolohiya ng flexibility o kalayaan nilang pumili ng oras sa pagtatrabaho ay palaging ganoon lamang - isang gawa-gawa. Ang mga manggagawa ay madalas na kinakailangang naka-log in sa “delivery app” sa mga partikular na oras, kadalasan sa mga panahon ng kasagsagan ng pangangailangan.
Nagbabala rin ang mga unyon o samahan ng mga manggagawa tungkol sa paraan ng pagpapatakbo ng mga plataporma na ito, dahil pareho lang ang kanilang pamamaraan sa lahat ng bansa kung saan sila naging aktibo sa loob ng maraming taon. Binibigyang -diin ng mga kritiko na
ang mga plataporma na ito ay lalo lamang umaasa sa mga subkontraktor (pangalawang kontraktor). Ang mga manggagawa ay kinakailangang makipag-ugnayan sa pamamagitan ng iba't ibang mga tagapamagitan, na nagbibigay-daan sa mga plataporma na ito na pataasin ang distansya sa pagitan nila at ng mga manggagawa, na pumoprotekta sa kanila mula sa pagkuha ng anumang uri ng pangako bilang mga employer.
Ang mga digital na platapormang ito ay subok na at mas pinatibay pa , at mas lalong pinaganda ang mga pagsasanay sa pamamagitan ng patuloy na pagsubaybay, pabago-bagong pamamahala, hindi mahuhulaan o hindi direktang pagbibigay ng iskedyul at hindi malinaw na disiplina," sabi ng European Trade Union Institute (ETUI).
Ang mga tagapaghatid o nagdedeliber (courier) ay nanganganib din sa kanilang sariling kalusugan. Gumugugol sila ng di mabilang na oras sa kalsada, sa trapiko, sa lahat ng uri ng lagay ng panahon, sa mga bisikleta, moped, scooter, o sa mga sasakyan – para lang gawin ang kanilang mga trabaho. Sa panahon ng pandemya, noong 2020 ang pagiging tagapaghatid o koryer (delivery courier) ay isa ito sa mga trabaho na bihira pa at ang pagkakataon na makapaghanap ng ganitong uri ng trabaho ay hindi madali para sa karamihan sa ating mga kababayan na walang trabaho. Kasabay nito, sila ay naging mga mahahalagang manggagawa, habang sila ay naghahatid ng pagkain, gamot at lahat ng iba pang suplay o bagay -bagay.
Dito sa Croatia, ang mga bagay ay laging "nakaayos" na upang ang mga manggagawa sa digital plataporma , lalong lalo na ang mga tagahatid o nagdedeliber ay maaaring maging "self-employed" (sa pamamagitan ng isang kumpanya o isang solong pagmamay-ari, na karaniwang napapailalim sa malaking pagbabayad ng buwis) o kaya naman ay nagtatrabaho sa pamamagitan ng isang aggregator o "tagapamagitan" sa pagitan ng plataporma at ng mga manggagawa na syang opisyal na taga-empleyo ng manggagawa at kumukuha ng porsyento ng kanilang kinikita). Sa kalaunan, ang ilang plataporma ay nakahanap din paraan at nakapagbigay sila ng direktang trabaho para sa mga koryer, ngunit ang eksaktong bilang ng mga naturang posisyon ay nananatiling hindi malinaw.
Malaki ang pagbabago ng sitwasyon sa "labor market" noong 2021, na humahantong sa karagdagang pagkalito. Ito ang taon kung kailan inalis ng Croatia ang mga quota para sa pag-isyu ng mga permit sa trabaho at ginawang liberal ang sistema. Wala nang paghihigpit sa pag-angkat ng mga dayuhang manggagawa para sa mga trabahong mataas ang demand o pangangailangan. Ang ibang klase ng trabaho naman ay kinaka ilangang sumailalim sa pagsusuri ng Croatian Employment Services (HZZ). Ito ay isinasagawa upang suriin kung mayroong sapat na manggagawang lokal na nangangailangan din sa naturang trabaho. Kung sakaling wala, ang mga employer ay maaaring magdala ng mga dayuhang manggagawa.
Sa loob ng maraming taon, ang mga dayuhang manggagawa na pumupunta sa Croatia ay nanggagaling karamihan mula sa bansang Bosnia at Herzegovina at Serbia. Ngunit ito ay nagbago. Noong 2024, may kabuuang 206,529 ang mga permit para makapagtrabaho at manirahan ang naibigay. Karamihan sa mga manggagawa ay mula sa Bosnia, na sinundan ng mga bansang mula sa Nepal, Serbia, India at Pilipinas. Sa unang tatlong buwan lamang nitong taong 2025, ay humigit - kumulang sa 53,662 na permit para makapagtrabaho at manirahan dito ang naibigay, karamihan sa mga ito ay sa mga manggagawa mula sa bansang Nepal.
Sa nakikita natin ang lahat ay kumikita mula sa mga dayuhang manggagawa. Pinupuno ng mga platapormang ito ang mga trabahong kakailanganin ,at ang mga employer naman ay nakahanap ng murang manggagawa (kadalasan ang iba ay pinilit na magtrabaho), at ang mga may -ari ng mga bahay - paupahan ay nakahanap naman ng kanilang mga mangungupahan. Gayunpaman, tila ang mga ahensya at mga tagapamagitan ang higit na nakikinabang.
Karaniwan na para sa mga manggagawa na magbayad sila sa halagang mula 7,500 hanggang 10,000 € para makarating lamang sa Croatia. Ang mga halagang ito ay maaaring tumaas pa habang dumarami ang bilang ng mga tagapamagitan nila sa pagitan ng mga manggagawa at mga tagapag-empleyo, na lalong nagpapagulo sa sitwasyon. May iilan ding ang buong pamilya ay nangungutang upang mabayaran ang malaking ginastos sa pagpunta sa Croatia. Sa sandaling dumating ang
mga manggagawa, kasama na ang kanilang sariling mga gastusin sa pamumuhay, kailangan nilang sakupin ang mga pagbabayad sa utang mula sa kanilang bansa at magpadala ng pera sa kanilang mga pamilya. Karaniwang lumalampas sa 40 oras ang kanilang pagtatrabaho sa bawat linggo na itinakda ng Labor Act. Ayon sa ulat ng mga manggagawa , karamihan sa kanila ay nagtatrabaho hanggang anim na araw sa isang linggo na may mga shift na tumatagal ng walo, sampu, o kahit labindalawang oras sa isang araw. Ang mga courier o tagapaghatid ay madalas na iniengganyo sa pamamagitan ng "benepisyo" na makukuha para sa pagkumpleto ng isang tiyak na bilang ng mga paghahatid, kaya maaari silang kumita ng ilang karagdagang pera bukod pa sa sahod na natatanggap nila alinsunod sa kanilang mga kontrata. Ang average na buwanang kabuuang suweldo ng isang courier noong 2024 ay 865.40 €.
Bukod sa pagsasamantala, dumarami ang negatibong pahayag laban sa mga dayuhang manggagawa. Madalas nating marinig na "ibinaba ng mga dayuhang manggagawa ang presyo ng paggawa". Sinasalamin nito ang saloobin ng ilang miyembro ng lokal na populasyon. Ngunit ang katotohanan ay hindi ang mga dayuhang manggagawa ang nagpapababa ng sahod kundi ang mga employer ang nagsasamantala sa sitwasyon. Sa halip ay pinupunan ng mga dayuhang manggagawa ang mga posisyon sa trabaho, ang matagal nang kakulangan ng mga ito dulot ng pangingibang-bansa ng mga manggagawang lokal.
Binigyang-diin din ng Ombudswoman ng Republika ng Croatia ang mga problemang kinakaharap ng mga dayuhang manggagawa sa kanyang Taunang ulat para sa 2024. Ang mga manggagawa ay nagpahayag ng kanilang mga reklamo tungkol sa pagtatrabaho nang walang legal na dokumento para magtrabaho at manirahan sa Croatia, hindi natatanggap ang suweldo na tinutukoy sa kanilang mga kontrata o ang suweldo na ipinangako sa panahon ng kanilang pag-aaplay sa trabaho , at bahagyang binabayaran ng kash "sa ilalim ng mesa". Nagpahayag din sila ng iligal na pagtatrabaho ng lampas na sa oras, pinagkaitan ng karapatang magpahinga, hindi pag -ulat ng mga pinsala sa trabaho, nagtatrabaho nang walang legal na permiso at labag sa batas na pagwawakas ng kontrata.
Dumadami ang bilang ng mga pag-atake sa mga dayuhan, lalo na sa mga dayuhang manggagawa. Ayon sa datos mula sa Ministri ng Panloob ng Croatia ,nabanggit sa ulat ng Ombudswoman, naitalang nasa 326 na pagkakasala laban sa mga dayuhan ang iniulat sa Republika ng Croatia sa pagitan ng 1 Enero hanggang 31 Hulyo 2024, na may kabuuang 527 na biktima. Ang ulat ay nagsasaad ng pagtaas ng mga kriminal na pagkakasala tulad ng mga pagbabanta, panganib sa buhay o ari-arian sa pamamagitan ng isang aksyon o paraan na karaniwang itinuturing na mapanganib, pinalubhang pagnanakaw, panloloob, at agresibong pag-uugali.
Isa sa mga nakakagulat na insidente ay naganap sa Split sa pagtatapos ng 2024, nang ang mga dayuhang manggagawa ay biktima ng ilang pag-atake sa pamamagitan ng pagtatapon ng mga bato sa kanila. Sa kabila ng takot at panganib sa kanilang buhay, kailangan nilang magpatuloy sa pagtatrabaho. Ang ilan sa kanila ay nagsama-sama at nag-organisa ng isang uri ng tahimik na welga sa katapusan ng linggo nang mangyari ang mga pag-atake, dahil natatakot sila kung ano ang maaaring mangyari sa kanila dahil sa likas na katangian ng kanilang trabaho - nag-iisa at naka bisikleta lamang o scooter, sila ay nagiging madaling target. Bilang karagdagan sa gayong karahasan, karaniwan na sa mga manggagawa na ito ang ninanakaw ang kanilang pagkain at pinagbabantaan o ninanakawan ng mga bagay -bagay.
Dahil marami ang kumikita, ang ating mga kababayan ay pinapakain ng maling dikotomiya ng "tayo at sila". Ang paraan ng pakikitungo natin sa ating sarili ay sumasalamin sa paraan ng pagtrato natin sa kanila. Sa kabilang banda, may mga taong pumunta sa Croatia para maghanap ng mas magandang buhay.